Linggo, Hulyo 7, 2013 sa ganap na 5:40 PM sinalpak ni tadong daniel 2 Comments

Pebrero 21 hanggang Pebrero 24, 2013

Kasagsagan ng kainitan sa Mindanao nang makita ko ang tinatago nitong ganda. Tila isang lumang lugar, kabahayan na kahit sino ay maaaring pumasok. Mali ang haka hakang magulo rito. Katotohana’y kapayapaan ang sumalubong sa akin pagkababa ko pa lang ng eroplano.
image
Isang napakalinis na lugar kung mailalarawan ang lungsod ng Davao. Mahigpit kasing pinatutupad ang kalinisan sa kapaligiran. Takot ang kahit na sinogn manigarilyo sa pampublikong lugar. Hindi tao ang sinusunod ng mga DavaeƱo kundi ang batas. Wala namang mas nakaaangat doon. Mababakas din sa Davao ang unti-unti nitong pag-unlad. Nag-aanyong Maynila na ang lugar. Nagsusulputan na ang mga mataas na gusali. Malaki nga lang ang pinagkaiba ng dalawa sa aspetong kalinisan. Isipin natin ang Maynila-ng walang plastik na lilipad-lipad kasabay ng rumaragasang sasakyan, balat ng candy sa estero at mga bundok ng basura sa kanto. Maganda ang Davao.
Ramdam sa buong Mindanao ang hagupit na iniwan ng nagdaang bagyong si Pablo. Malapit nang matapos ang Pebrero, dalawang buwan matapos bugbugin ng bagyo ang ilang parte ng Mindanao, ngunit naroroon pa rin ang ating mga kababayan nating nagsisimula pa lang bumangon.
Pero nang dahil kay Pablo, napakita ng mga taga-Tagum ang kanilang pagmamahal sa mga naapektuhan sa Compostella Valley. Sa katunayan ay nagkaroon sila ng benefit concert na naglalayong makalikom ng pera para sa pagbangon ng Compostella. Ilang gabi na punung puno ng kasiyahan at pag-asa.
image
Tagum Stadium.
Isinama ako ng kaibigan (idol)  ko sa napakayamang lupain ng Compostella Valley. Mula sa Tagum, halos dalawang oras na biyahe ang ginugol namin para makarating doon. Tinakot pa ako ng kaibigan ko na kailangan kong sumakay ng Skylab para makaakyat sa Valley. Ano yun. Lokal na uri ng transportasyon doon. Kinakailangan ng balanse ni manong driver at tiwala kay manong driver upang mapagtagumpayan iyon. Ako ay walang ginawa kundi tumahimik, manlaki ang mata sa tuwing mapapadaplis kami sa bangin at usiging pabulong ang motor para ganahang lumaban sa tuwing lulubog ang gulong sa abot tuhod na putikan.
image
Skylab.
Mabuti’t nagpunta ako doon noong pabangon na ang lugar. May mga punong hindi malaman kung buhay ba o patay na dahil wala na itong dahon, nakatindig na lang, pinatutunayang kahit anong unos ang dumaan, hindi siya patitibag. Marami silang mga punong tila poste na lang. Nakikisabay sa mga taong hindi pa nawawalan ng pag-asa. Sa daan ay ang napakaraming bato na aakalaing sinadyang ilagay ngunit sa katotohana’y patuloy pa rin ang pagguho ng malalambot na lupa sa paligid. Pinagsamang hangin at tubig kasi ang dala ni Pablo. Bumigay na ang kapit ng lupa.
image
Ilan sa mga punong nananatiling nabubuhay. 
Nakakalungkot pero alam kong hindi awa ang kailangan nila. Nakangingiti pa rin sila sa kabila ng nakalulugmok na pangyayari. Ito ang kagandahan sa mga Pinoy. Hindi natin pinapakita sa iba ang ating buong nararamdaman kahit lubha na tayong nahihirapan. Alam kasi nating higit pa sa awa ang kayang ibigay ng mga nais tumulong. Dahil alam nating hindi makadaragdag ang patuloy na pighati sa ating problema. Sapat na ang isang beses na pag-iyak, babangon tayo agad, haharapin ang problema, sosolusyonan.

Nakita ko rin ang eskwelahan ng bata roon. Malayo. Malayo sa kanilang tahanan. Nasa itaas pa ng lambak. Maliit at nag-iisa lang ito. Sayang dahil hindi rin ito pinaligtas ng bagyo. Tinangay ng hangin ang buong na yero kaya direktang pumapasok ang init ng araw sa silid-aralan. Napilitan na tuloy silang lumipat sa nag-iisang “pwede na" silid. Ni hindi ito maituturing na paaralan ng mga taga-Maynila dahil sa kaliitan nito. Maputik pa sa loob. Iba sa atin ay hindi na gaganahang mag-aral. Maswerte pa tayo dahil maganda ang pasilidad at madaling marating na paaralan. Hindi bundok ang aakyatin. Hindi butas ang dingding. Kaya sino tayo para sayangin ang oportunidad na ibinigay sa atin? Sino tayo para tamaring pumasok?
image
Sa likod ay ang kanilang paaralan. Hindi ko nakuhanan. :)
Sa Surigao Del Sur naman makikita, kung masugid na hahalungkatin, ang mga walang katulad na handog ng kalikasan. Bago pa lang akong lumipad pa-Mindanao ay pinigilan ko nang maghanap sa google ng mga maaaring puntahan doon. Gusto ko kasing masorpresa. Bahala na kung saan ako dalhin ng idol ko. Kulang ang salitang sorpresa sa naabutan ko.
Tinuy-an Falls. Sabi ay ang pinakamalapad na talon sa ating bansa. Para itong makapal na kurtinang galit na galit sa paghampas. Sa itaas pa nito ay isa pang talon at isa pang talon at hindi ko na makita pa. Sayang nga at hindi ako nakalangoy sa tatlumpung talampakan nitong lalim. Katatapos lang kasi ng ulan nang dumalaw kami kaya nag-aalburuto pa ang agos ng tubig. Nakakatakot, baka hindi na ako makaahon.
image
Sumunod na araw ay sinalubong kami ng nakangiting umaga. Masigla ang lahat. Pupunta kasi kami sa Enchanted River. Nakita ko na ito sa facebook, isang perpektong bahagi ng tubig na kitang kita kasama ang mga itinatago nito sa ilalim. Nagitla ako dahil ni sa hinagap ay hindi ko aakalaing mapupuntahan ko ang Enchanted River sa laong madaling panahon. Hindi ko mahagilap sa bokabularyo ng mga salita kung paano ito ilalarawan. Kulang ang enchanted. Mula sa itaas, hindi ko mabatid kung hanggang saan ang lalim ng ilog. Ayon sa balita ay pang nakararating sa pinakailalim nito. Nakakatuwa rin ang mga isdang abot kamay na sa kalapitan. Napakalinis ng tubig. Sana ay hindi maabuso ang lugar ng mga taong bumibisita doon.
image
Kulang ang apat na araw para libutin ang Mindanao. Kung pwede lang na doon ako tumira. Ang Mindanao kasi ang lugar na hindi nauubusan ng surpresa. Napakaraming bago ang inihandog sa akin ng kaunting panahong pagbisita ko roon. Panibagong dahilan muli para mabuhay. Ito ang lugar kung saan gugustuhin mong ulit uliting masilayan ang napuntahan na. Silip silipin ang kagandahan ng lugar. Kahil sa alaala ay hindi tayo patatahimikin.
PS: Salamat sa mga Non-Government Organizations dahil sila ang nakapitan ng mga mamamayang kinapos ng tulong mula sa ating gobyerno. Sa pagbabakasyon ko roon ay nakita ko ang hirap na ginagawa ng mga NGOs. Maaga silang kumikilos para makarating sa lugar na madalas ay mahirap mapuntahan. Kailangan ng maraming lakas ng loob para malagpasan ito. Masaya ako at naranasan ko ang hirap na ito. Nasa inyo, sa iyo, ang aking taas noong pagsaludo. 

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile