Miyerkules, Abril 10, 2013 sa ganap na 1:14 AM sinalpak ni tadong daniel 5 Comments


Gaya ng kaganapang pagtabing ng buwan sa araw, nagkita ang magkaibigang pinagsama ng pelikulang Himala. Nakahiga sa sariling burol, tinititigan ang kagandahan ng pag-aagawan ng pwesto ng dalawang naghaharing liwanag. Magkaibang oras ng kasikatan, ngayo’y nag-isa ngunit kabaligtaran ang kinalabasan. 

Ang galing ni Nora,

Binuhay ng teknolohiya ang pelikulang Himala. Dekada na itong ibinaon ng kahapon at tanging alaala na lang ng kagandahan nito ang nababanggit ng mga manunuri. Inagiw na sa baul ang kopya. Maging ang ilang dalubhasa sa larangan, kwento, tatak at parangal na lang ang kayang ibalik. Ngunit ngayon, higit pa sa orihinal nang ipinalabas itong muli sa sinehan. Pinatingkad ang kulay. Tinanggal ang mga tinig na hindi kailangan. 

Nag-alab muli ang mga umasang masasagip sila ng Himala, ni Elsa. 

Salamat kay Ricky Lee dahil hindi siya sumuko. Hindi magiging kakaiba ang bawat eclipse natin kung walang Elsang napulot habang nagdidilim sa umaga.
 
Sakto pa ngayon ang tema, 

Pero pwede ring lalong lumayo ang puso ng mga tao sa relihiyon. May dalawang maaaring interpretasyon sa nilalaman ng pelikula. Una ay ang pagtitiwala sa iisang diyos, at wala nang iba pa. Huwag kilalanin ang mga sugo umano na maghahatid daw ng himala. Pangalawa, ang mensahe nitong hindi natin kailangan ng diyos. Kaya nating gumalaw nang hindi nanghihingi ng tulong. Sa bandang huli ng pelikula, iniwan sa atin ang desisyon. 
Tumihaya, nangiti nang makitang lumilihis na ang buwan. Liliwanag na sa dapit-hapon. Kaunti na lang, maghaharing muli ang nakagisnang araw. Nilingon ang kaibigan upang humingi ng sagot sa hindi naman patanong na pangungusap. Tila gusto niyang malaman kung saan sa dalawa nabibilang si Ailen. Kaiba kasi sa kanya, hindi lamang sa pelikula napaibig si Ailen, binulag siya ng kagalingan ni Nora Aunor. Binabaliwala  niya ang mga nababasang negatibong balita ukol kay Nora. Para kanya, si Elsa ay si Nora at si Nora ay si Elsa. Kinulong niya sa loob ng pelikula ang tunay na Nora kasabay ng pagpapagalaw niya sa Elsa sa katauhan ni Nora. Inamin man ng Super Star na isa lamang si Elsa sa mga karakter na kanyang napagtagumpayan, nasa harapan pa rin si Ailen ng pila habang sinisigaw ang, 
Hindi ka ba natutuwa? Bumalik na siya! 
Oo, tayo naman ang mga bulag na tagasunod. Patuloy na niloloko.
Tapos…

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile